-- Advertisements --

Inatasan ng Office of the Ombudsman ang limang matataas na opisyal ng gobyerno na magpaliwanag ang mga ito hinggil sa pag-kakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Kung saan ipinag-utos ng Ombudsman na magsumite sina Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Marbil, PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao ng counter-affidavit sa inihaing reklamo laban sa kanila.

Sa naisapublikong dokumento ng Ombudsman, ang mga nabanggit na respondents ay binigyan lamang ng sampung (10) araw mula sa petsa ng pagkakatanggap sa naturang dokumento upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa tanggapan.

Ito’y sa pamamagitan ng pagsusumite ng counter-affidavit kasama ang iba pang mga supporting documents pati ang affidavit ng kanilang mga witnesses.

Ang naturang kautasan o direktiba ng Ombudsman ay may kaugnayan sa reklamong inihain sa report ng chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations na si Senadora Imee Marcos.

Nakasaad sa reklamong inihain sa tanggapan ng Ombudsman ang mga reklamong paglabag hinggil sa Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions sa ilalim ng Article 241 ng Republic Act No. 3019 o mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, pati na rin ang graft, grave misconduct, at iba pa na kakaharapin ng mga sangkot umanong opisyal ng gobyerno.

Samantala, sa panig naman ng mga pinapasagot na respondents, maalala na mariing ibinahagi kamakailan ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na handa niyang harapin ang reklamong ito sa Ombudsman.

Kung saan kumpyansa nitong inihayag ang kanyang paniniwala na ginawa lamang nila kung ano ang nararapat nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte dito sa bansa sa kasong kinakaharap ngayon sa International Criminal Court (ICC).

Ani pa niya’y wala siyang kinatatakutan sapagkat buo ang kanyang loob na ang desisyon na kanilang ginawa ay ang siyang mas makabubuti umano para sa bansa.

“Hindi naman tayo natatakot d’yan… ginawa namin yung dapat gawin, at it’s for the best to our best judgement what’s good for the country as what we did,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Si former President Rodrigo Duterte ay kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands kung saan nakadetena ito habang kinakaharap ang mga kaso sa International Criminal Court.

Dinala siya sa naturang bansa dahil sa krimeng kinasasangkutan nito partikular sa Crimes against Humanity ng kanyang ‘war on drugs’ noong siya’y naka-upo pa bilang Pangulo.