-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na nakikinig ang kanyang administrasyon sa panawagan ng taumbayan para sa mga hakbang ng gobyerno upang pababain ang presyo ng mga bilihin, lalo na ng mga pangunahing pagkain.

Ayon sa Pangulo, mahigpit na ipinatutupad at binabantayan ng pamahalaan ang maximum suggested retail price (SRP) para sa imported rice, upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.

Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, patuloy ding ginagawan ng paraan ng pamahalaan na mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas, kabilang na rito ang pagpapatuloy ng ₱20 kada kilo rice program na layuning magbigay-ginhawa sa mga pamilyang Pilipino.

Kasabay nito, patuloy ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mahigpit na pagmamanman sa mga presyo ng produkto at sa pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ngayong papalapit ang kapaskuhan.