-- Advertisements --

Humiling ang China sa pamahalaan ng Pilipinas ng karagdagang impormasyon ukol sa Chinese national na naaresto nitong araw ng Martes, April 29, sa labas ng Commission on Elections (Comelec) central office.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng China sa gobiyerno ng Pilipinas upang makakuha ng mas maraming impormasyon na bumabalot sa naturang isyu.

Muli ring itinanggi ng Chinese official na nakiki-alam ang China sa nakatakdang halalan sa Pilipinas.

Ayon kay Jiakun, sinusunod ng China ‘non-interference policy’ o hindi pakiki-alam sa internal affairs ng ibang mga bansa.

Wala aniyang intensyon ang China na makialam sa halalan at iba pang domestic issues sa Pilipinas.

Kasabay nito ay inakusahan naman ni Jiakun ang ilang mga pulitiko sa bansa ukol sa umano’y pagpapakalat ng mga China-related issues dito sa Pilipinas.

Bagaman hindi na pinangalanan ng Chinese official ang mga naturang pulitiko, pinayuhan niya ang mga ito na itigil na ang ang pagpapakalat ng mga China-related issue at paggawa ng mga walang basehang akusasyon para lamang sa kani-kanilang pansarili at makasariling interest.

Una na ring naglabas ng opisyal na pahayag ang Chinese Embassy sa Manila ukol sa naturang insidente at iginiit na walang interest ang China sa domestic affairs ng Pilipinas.

Ayon sa National Bureau of Investigation, ang naarestong Chinese ay nagngangalang Tak Hoi Lao, 47 anyos, at may hawak na tourist visa. Siya ay nakuhanan ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, isang device na may kakayahang mag-intercept ng mga phone communications sa loob ng ilang kilometro.