Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pagpanaw ng kilalang negosyante at tinaguriang “kingmaker” na si Eduardo Cojuangco, Jr.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kinikilala nila ang kontribusyon sa socio-economic development ng Pilipinas ni Cojuangco bilang Chairman of the Board at Chief Executive Officer (CEO) ng San Miguel Corporation (SMC) na may operasyon sa pagkain, inumin. enerhiya, power, oil refining at infrastructure.

Ayon kay Sec. Roque, napakaraming trabaho at kabuhayan ang nalikha ng SMC para sa mga Pilipino bilang direct workforce, suppliers, distributors, retailers at kahalintulad na oportunidad.

Sa panahon daw ng COVID-19 pandemic, naging maaasahang partner ang SMC para maibsan ang epekto ng pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay suporta at tulong sa mga frontliners at vulnerable sectors.

Inihayag ni Sec. Roque na dasal nila ang mapayapang pamamahinga ng kaluluwa ni Cojuangco at taos-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya, katrabaho, kaibigan at mahal sa buhay.

“We are deeply saddened by the passing of Mr. Eduardo “Danding” Cojuangco, Jr., at the age of 85,” ani Sec. Roque. “The Palace offers its fervent prayers for the eternal repose of the soul of Mr. Cojuangco as we convey our heartfelt condolences to his family, colleagues, friends, and loved ones.”