-- Advertisements --

Inihahanda na ng Department of Justice ang ilang mga kaso na maaring isampa laban sa mga suspek na mapapatunayang sangkot sa pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ito ngayon ang isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng mga abogado ng kagawaran hinggil sa kaso.

Kung saan masusi umanong pinag-aaralan ng Department of Justice ang mga kasong isasampa hinggil sa isyu ng ‘missing sabungeros case’.

Ani pa niya’y bukod sa murder case, posibleng mayroon pang iba na kasong ihahain katulad na lamang ng ‘kidnapping’ na naayon sa International Humanitarian Law ang kanilang ikinukunsidera.

Samantala kaugnay naman sa paghahanap ng kagawaran sa labi ng mga nawawalang sabungero, ibinahagi ni Justice Secretary Remulla na ang may-ari ng fish pond sa Taal lake na ground zero sa diving operation ay kanilang iniimbestigahan.

Aniya’y nasasangkot umano kasi ito sa krimen o disposisyon ng pagpatay sa mga biktima na siyang pinaniniwalaang inilibing sa naturang lokasyon.

Hindi umano mawari ng kalihim kung papaano isinagawa ang ‘execution’ sa mga biktima sa kadahilanang ang iba raw ay inilibing habang may buhay pa.

Sa kasalukuyan ay katuwang ng Department of Justice ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang maisagawa ang opisyal na pagsisid sa naturang bahagi ng lawa.

Kanila na ring hiningan ng tulong ang bansang Japan upang magpahiram ito ng ilang karagdagang kagamitan para sa planong kauna-unahang exploratory dive sa Taal lake.