-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW) na ipagpatuloy ang ginagawang beripikasyon at imbestigasyon kaugnay ng napaulat na pag-atake ng Houthi rebels sa Greek-owned bulk carrier Eternity C lulan ang ilang Filipino seafarers habang lumalayag ito sa Red Sea noong July 7.

Nabahala si Tulfo, chairman ng Committee on Public Services, sa sitwasyon ng mga Pilipinong marino lulan ng naturang barko.

Dagdag ng senador, ang patuloy na pag-monitor sa kalagayan ng mga marino ay upang agad na maipaabot ng gobyerno ang tulong para sa mga seafarer na nangangailangan, at makapagkasa ng rescue operations upang mapanatag ang loob ng mga pamilya na nag-aalala rito sa Pilipinas.

Dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng mga barko sa Red Sea sa nakalipas na dalawang taon, dapat aniyang ikonsidera ng DMW ang pagbabawal ng deployment ng Filipino seafarers sa mga barkong dumadaan dito at mailipat ang mga ito sa mga barkong dumadaan sa mga mas ligtas na rotang pandagat.

Ayon sa ulat ng European Union Operation Aspides at sa private security firm na Ambrey, patungong Hilaga pa-Suez Canal ang nasabing barko nang paulanan ito ng bala ng rebeldeng grupo mula sa maliliit nilang bangka. Gumamit din ang mga rebelde ng mga drones na kargado ng mga bomba.

Gayunpaman, sinabi ni Sec. Hans Leo Cacdac na 21 sa 22 crew ng Eternity C ay mga Pinoy, kabilang na ang kapitan.

Pero sa ngayon, wala pa raw opisyal na kumpirmasyon kung ilan ang nasawi, nasugatan o nawawala.

Kasulukuyan naman na aniya itong vina-validate ng Defense Attaché sa Bahrain sa UK Maritime Trade Operations (UKMTO) at sa mga principal ng barko na Cosmoship at LMA Status Maritime.