Inanunsyo ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-Avsegroup) ang pagkakaaresto sa isang overseas Filipino worker (OFW) na mahigit isang dekada nang wanted sa kasong theft.
Naaresto ang suspek sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Linggo ng gabi, sa isang joint operation ng PNP-Avsegroup at Pasay City Police Station.
Ang suspek ay dumating mula sa Istanbul, Turkey.
Ayon sa PNP-Avsegroup, ang indibidwal ay na-flag ng immigration personnel matapos makumpirma ang bisa ng isang Alias Warrant of Arrest na inilabas pa noong 2014.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga otoridad sa iba’t ibang law enforcement units na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto ng suspek.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Pasay City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagpapatuloy ng legal na proseso kaugnay ng matagal nang kaso.
‘The campaign against wanted persons is far from over; it’s only getting stronger. If we can arrest someone who has been wanted for over ten years, we can expect even more apprehensions,’ ani PNP-Avsegroup Director Brig. Gen. Jason Capoy.