-- Advertisements --

Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na magbabawas ng hanggang 50 porsiyento sa remittance fees ng mga overseas Filipino workers (OFWs), sa gitna ng patuloy na reklamo hinggil sa mataas na singil at nakatagong bayarin sa pagpapadala ng pera pauwi ng Pilipinas.

Naghain si Senator Jinggoy Ejercito Estrada ng Senate Bill No. 1074 na naglalayong direktang bawasan ang gastos ng mga OFW sa pagpapadala ng kanilang kita sa pamilya. Ayon sa panukala, oobligahin ang mga bangko at remittance centers na magpatupad ng kalahating diskwento sa remittance fees, kapalit ng pahintulot na mag-claim ng tax deductions para sa kanilang operational costs.

Layunin ng panukala na masiguro na mas malaking bahagi ng kinikita ng mga OFW ang napupunta sa kanilang pamilya, imbes na nauubos sa bayarin. Batay sa datos na binanggit, umabot sa record-high na 38.34 bilyong dolyar ang remittances ng OFWs noong 2024—tatlong porsiyento na mas mataas kumpara noong 2023—na katumbas ng 8.3% ng gross domestic product at 7.4% ng gross national income ng bansa.

Bukod sa bawas-singil, itinatakda rin ng panukala ang mahigpit na transparency sa palitan ng salapi. Inaatasan ang mga remittance centers na malinaw na ipaskil ang katumbas na halaga sa piso upang maiwasan ang tinatawag na hidden charges. Ipinagbabawal din ang hindi awtorisadong kaltas, labis na singil, maling paggamit ng pondo, at biglaang pagtaas ng bayarin nang walang konsultasyon sa pamahalaan.

May kaakibat na parusa ang mga lalabag, kabilang ang pagkakakulong ng hanggang anim na taon at multang mula P50,000 hanggang P750,000, bukod pa sa iba pang parusa sa ilalim ng umiiral na mga batas sa pagbabangko. Pinarurusahan din ang mga institusyong tatangging tumanggap ng remittances mula sa OFWs.

Kasama rin sa panukala ang libreng financial education para sa mga OFW at kanilang pamilya. Inoobliga ang Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF), at iba pang ahensya, na maglunsad ng mga programang tumatalakay sa pagbabadyet, pag-iimpok, pamumuhunan, tamang pangungutang, proteksyon sa konsyumer, at pag-iwas sa mga scam at online fraud. Isasama ang mga programang ito sa Pre-Departure Orientation Seminars, Post-Arrival Training Seminars, at sa mga online platform na maaaring ma-access ng mga pamilya ng OFW sa loob ng bansa.

Sa kabuuan, itinatakda ng panukala ang mas mahigpit na pagbabantay sa remittance services habang pinapalakas ang kakayahang pinansyal ng mga OFW, isang sektor na patuloy na nagsisilbing haligi ng ekonomiya ng Pilipinas.