Bunsod ng pinakamataas na antas ng pondo sa kasaysayan ng ahensya, inanunsyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngayong Lunes ang pagbubukas ng 10,000 karagdagang scholarship slots para sa mga kwalipikadong dependents ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at seafarers.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, naging posible ang nasabing expansion matapos umabot sa P21.3 billion ang trust fund ng ahensya.
Ito na ang pinakamalaking pondo na naitala ng OWWA sa loob ng mahigit apat na dekada.
Mula sa kasalukuyang 15,000 slots, dinagdagan ito bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na paigtingin ang tulong sa mga pamilya ng OFWs.
Layunin ng hakbang na ito na masulit ang paggamit ng pondo para sa edukasyon ng mga anak ng mga makabagong bayani.
















