Nagbabala pa rin ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) sa mga posibleng pagbaha sa ilang bahagi ng bansa bagama’t lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Ursula, bukas, Sabado.

Ayon kay Benison Estareja ng PAGASA, ito ay dahil sa umiiral na tail-end of a cold front na siyang magdadala ng katamtaman at paminsan-minsang malalakas na pag-ulan partikular sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Huling namataan ang Bagyong Ursula sa layong 365 kilometers sa kanluran ng Subic, Zambales, at kumikilos palayo ng PAR sa bilis lamang na 10 kilometers per hour (kph).

Taglay nito ang hangin sa lakas na 120 kph malapit sa gitna at bugsong 150 kph.

Samantala, kung naging maulan ang kasagsagan ng Pasko sa ilang bahagi ng bansa, nagpahiwatig naman ang PAGASA na magiging maganda ang lagay ng panahon sa pagsalubong ng Bagong Taon.

“Makakaasa tayo ng fair weather naman for December 29, Dec. 30 and even Dec. 31, dahil bahagyang hihina muli ang northeast monsoon. Iiral ang easterlies sa ating bansa. Pagsapit ng January 1 onwards, ay lalabas muli ang amihan,” ani Estareja.