-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makikinabang din sa umento sa sahod ang mga minimum wage earners sa labas ng Metro Manila.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, limang Regional Wage and Productivity Boards na ang nagsimula ng proseso para sa panibagong wage hike: Region 1 (Ilocos), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 4A (Calabarzon), at Region 7 (Central Visayas).

Ani Laguesma, ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng agarang review sa regional minimum wage rates sa loob ng 60 araw mula sa huling wage order.

Matatandaang ang NCR wage board ang unang naglabas ng bagong umento ngayong taon, aprubado noong Hunyo 30: P50 dagdag sa sahod ng nasa 1.2 milyong manggagawa sa rehiyon. Epektibo ito simula Hulyo 18.

Sa bagong umento, ang daily minimum wage sa NCR ay tataas mula P645 patungong P695 para sa non-agriculture sector, at mula P608 patungong P658 para sa agriculture, retail at service establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing firms na may mas mababa sa 10 regular workers.

Bukod sa minimum wage earners na tinatayang 5 milyon, sinabi ni Laguesma na maaaring makinabang din ang tinatayang 8 milyong manggagawa na sumasahod nang higit sa minimum.

Pinapayagan namang humiling ng exemption sa umento ang maliliit na negosyo na may hindi hihigit sa 10 empleyado at mga kumpanyang naapektuhan ng kalamidad o krisis. Hindi rin saklaw ng minimum wage law ang mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises.