-- Advertisements --

Itinanggi ng retiradong Regional Trial Court Judge at kasalukuyang chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Felix Reyes ang akusasyon ng pag-areglo ng mga kaso para sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Nauna na kasing inakusahan ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy si Reyes ng pagbiyahe umano abroad kasama ang mga prosecutor at iba pang hukom para sa umano’y pag-areglo ng kaso.

Kaugnay nito, hinamon ng retiradong judge si alyas Totoy na tukuyin ang partikular na kaso ni Ang o sinuman na may kinalaman sa kaso ng mga nawawalang sabungeros, na sa kaniyang pagkakaalam ay nakabinbin pa rin sa korte, na inareglo umano niya para kay Ang.

Kung hindi aniya mapatunayan ni alyas Totoy ang kaniyang akusasyon kaugnay sa pag-areglo ng mga kaso, dinemand ni Reyes na manahimik na lamang ito.

Saad pa ng retired judge na kaniyang papahintulutan ang Bureau of Immigration na ilabas ang kaniyang mga naging biyahe sa ibang bansa mula noong magretiro siya bilang hukom noong Oktubre 2021.

Palaisipan naman kay Reyes na nataong lumutang ang mga akusasyon ni alyas Totoy laban sa kaniya matapos niyang maghain ng aplikasyon para sa posisyon ng Ombudsman.

Sa kabila nito, nakahanda si Reyes na makipagtulungan sa anumang imbestigasyon para mabigyang linaw ang mga walang basehang alegasyon at mapalaya ang hukuman at prosekusyon mula sa mga paninira.