Patuloy ang pag-ulan na mararanasan sa ilang bahagi ng bansa dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo.
Batay sa weather forecast ng Department of Science and Technology in the Philippines binanggit ng PAGASA na maaapektuhan ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang mga lugar ng Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, Zambales, Bataan, Cavite, Occidental Mindoro, Romblon at Palawan.
Pinayuhan naman ang mga residente sa mga lugar na ito na maging alerto laban sa posibleng flash floods o landslides.
Samantala, dito naman sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga isolated na pag-ulan o thunderstorms dulot parin ng Habagat, na maaari ring magdulot ng flash floods o landslides.
Ayon sa PAGASA, natapos na nilang subaybayan ang bagyong “Nari” na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility. Walang naitalang iba pang bagyo o low pressure area ang namataan sa loob ng PAR.
Tungkol naman sa mga kondisyon ng hangin at alon ng dagat, sinabi ng PAGASA na magiging katamtaman ang hangin at katamtaman ang alon sa extreme Northern Luzon.