Ipinababasura ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaso nito at hiniling ang agarang pagpapalaya sa dating pangulo dahil sa kabiguan umano ng prosekusyon ng Interantional Criminal Court (ICC) na maglunsad ng imbestigasyon sa inaakusang crimes against humanity sa itinalagang “time-period”.
Sa 10 pahinang redacted version ng dokumentong naglalaman ng tugon ng defense sa response ng prosecution sa paghamon nila sa hurisdiksiyon ng tribunal na inilathala sa ICC website, ikinatwiran ng defense counsels ng dating pangulo na sina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs na walang hurisdiksiyon ang international tribunal sa kaso ng dating pangulo.
Nakasaad din na ang prosekusyon ang dapat na bumalikat sa responsibilidad para sa “miscalculated”, hindi napapanahon at maling desisyon na hindi magkasa ng imbestigasyon sa loob ng itinakdang panahon.
Kaugnay ito, hiniling ng Defense team sa Pre-Trial Chamber na tukuyin na walang hurisdiksiyon pinagbabasehan para ipagpatuloy pa ang paglilitis laban sa dating pangulo at iutos ang kaniyang agaran at walang kondisyong paglaya.
Ibinase ng defense ang kanilang kahilingan sa mga opinion nina Judges Perrin De Brichambaut at Gocha Lordkipanidz sa request ng prosekusyon na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa kaso ni Duterte noong 2023.
Katwiran ng dalawang hukom ng ICC na ginawa ng prosecutors ang lahat ng pagsisikap para pairalin ang hurisdiksiyon ng korte sa paraang hindi malalabag ang karapatan ng isang estado na kumalas mula sa Statute.
Dagdag pa ng mga ito na sapat na ang isang taon para magsagawa ang prosecutor ng preliminary investigation at request para payagan ang pagsisimula ng imbestigasyon at para magpasya ang pre-trial chamber sa naturang usapin.
Matatandaan, nauna ng kumalas ang Pilipinas mula sa Rome Statute sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pang. Duterte noong Marso 2018 matapos na maglunsad ng preliminary examination ang ICC prosecution sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs noong Pebrero 2018.
Isang taon ang nakalipas naging epektibo ang pagkalas ng PH mula sa Rome Statute noong Marso 2019.
Subalit noong 2021 lamang nagrequest ang ICC prosecution ng imbestigasyon kaugnay sa war on drugs ni ex-PRRD na ipinagpaliban pa kalaunan at itinuloy noong 2023.
Ngunit, giit ng prosekusyon may hurisdiksiyon pa rin ang ICC sa umano’y mga krimen sa ilalim ng pamumuno ni Duterte mula November 2011, nang pumasok sa Statute ang PH hanggang March 2019 nang maging epektibo ang pagkalas ng bansa.