-- Advertisements --

Balik na ang pagpapauwi sa mga locally stranded individuals (LSIs) matapos balik na rin sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at karatig-lalawigan.

Sinabi ni Hatid Tulong program Lead Convener at Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo, ngayong araw ay magkakaroon muli sila ng send-off sa mga LSIs.

Ayon kay Asec. Encabo, nakipag-ugnayan na rin sila sa local government units (LGUs) sa Eastern Visayas, Davao, Zamboanga Peninsula at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa nakatakdang “pocket” send-off.

Nasa 400 LSIs umano ang mapapauwi ngayong araw.

Kasunod nito, inaasahan umano ni Asec. Encabo na hindi na magkakaroon ng problema sa pagpapauwi sa mga LSIs dahil wala nang isasagawang malawakang send-off bagkus by batch na lamang para mahigpit na masunod ang social distancing.

Isasailalim din daw ang mga ito sa rapid test para matiyak na hindi maiuuwi ng mga LSIs ang virus sa kani-kanilang lalawigan pero nasa receiving LGUs pa rin ang desisyon kung muli silang isasalang sa testing at 14-day quarantine.