-- Advertisements --

Kinuwestyon ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang ilan sa alokasyong pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.

Sa kasagsagan ng deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa proposed budget ng DOH, ilan sa mga pinuna ni Rep. Garin ang alokasyong P1 billion para sa pagpapaganda ng mga opisina ng ahensiya, ang P478 million research fund para sa DOH at ang planong $10 million na donasyon sa World Health Organization (WHO) sa loob ng apat na taon.

Iginiit ng mambabatas na dapat na magamit partikular na ang pondo para sa pagpapaganda ng mga opisina ng DOH at WHO grants para sa patient care at mga subsidiya para sa universal health care program (UHCP) o makapag-hire ng mas marami pang mga doctor at nurses.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya kinukwestiyon ang desisyon ng kalihim na magbigay ng donasyon sa WHO subalit ipinunto ni Garin na mas kailangan ito ng mga ospital sa bansa at para sa pagpapatupad ng Universal Health care program.

Tinanong din ni Garin si Sec. Herbosa kung sang-ayon siya na ma-realign ang reserach fund para sa implementasyon ng zero balance billing.

Sa panig naman ni Sec. Herbosa, ipapaubaya na lang aniya sa wisdom ng Kongreso ang pag-realign ng mga pondo subalit ipinaliwanag din ng kalihim na kanilang pagaaralan kung paano irerealign ang nakaplano ng pondo para sa research dahil ilang mga pag-aaral na aniya ang naka-programa na ilang taon na ang nakakalipas.