-- Advertisements --

Kabilang sa mga bagong napupuruhan ng paputok ang mga bata mula sa kabuuang 140 firecrackers-related injuries na naitala na sa buong bansa mula nang magsimula ang holiday season ngayong taon.

Ayon sa Department of Health, nasa dalawang bata ang isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center matapos masugatan dahil sa paputok, dagdag pa sa patuloy na pagdami ng mga kaso bago pa man ang bisperas ng Bagong Taon ngayong araw.

Ayon sa ospital, isang bata ang nagtamo ng burns sa balat, habang ang isa ay nagkaroon ng pinsala sa mata.

Sinabi ng mga doktor na ang five star at boga, na kapwa iligal ayon sa PNP, ang pinakakaraniwang sangkot sa mga aksidente.

Madalas umanong nangyayari ang mga ganitong insidente kapag pinaglalaruan o muling sinisindihan ng mga bata ang paputok na inaakalang hindi na puputok.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, mahirap ipatupad ang nationwide total ban sa paputok dahil sa magkakaibang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.

Aniya, maaaring kailanganin ang isang pambansang batas, ngunit mahalaga pa rin ang impormasyon at pagbabago ng asal, lalo na sa loob ng tahanan.

Nagbabala rin ang DOH na ang mga pinsala sa paputok ay maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto, kabilang ang permanenteng kapansanan. Kaya muling nanawagan ang DOH sa publiko na unahin ang kaligtasan, at ipaalala na hindi laruan ang paputok, lalo na para sa mga bata.