-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Health sa mga ospital ng istriktong seguridad kasunod ng mga napapaulat na abduction ng mga bagong silang na sanggol.

Una nang napaulat ang dalawang kaso ng pagdukot sa sanggol sa Marikina at Manila kamakailan.

Sa isang press conference, sinabi ng ahensya na target nilang bumuo ng implementing protocol na pareho sa Amber at Silver alerts sa Estados Unidos.

Nabatid na ang America’s Missing : Broadcast Emergency Response ay isang child abduction notification system na konektado sa mga otoridad.

Sa kabilang bansa ang Silver alerts ay para naman sa mga nawawalang matatanda at mga cognitive-impaired na indibidwal.

Ayon kay DOH Sec. Ted Herbosa , plano nila itong isagawa dito sa bansa.

Tiniyak rin ng kalihim na mawawalan na ng pagkakataon ang mga kriminal na gumawa ng mga ilegal na hakbang dahil sa mas pinagtibay na mga polisiya.