-- Advertisements --

Tiniyak ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Heart Center (PHC) na tuloy-tuloy ang serbisyo at naka-full alert para sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasyente sa Pasko at Bagong Taon.

Kaugnay nito, personal na ininspeksiyon ni Health Secretary Ted Herbosa ang dalawang ospital bilang bahagi ng Ligtas Christmas campaign, na naglalayong masiguro ang agarang paghahatid ng emergency care.

Binantayan dito ang NKTI Emergency Room, na bukas para sa renal at non-renal cases, kabilang ang mga nakakaranas ng hirap sa paghinga.

Ayon kay NKTI Executive Director Dr. Jose Dante Dator, handa silang magdagdag ng bed capacity kung kinakailangan at nakikipagkoordina sa PHC at DOH-East Avenue Medical Center para sa fireworks injuries, road crashes, at non-communicable diseases.

Handa rin ang PHC sa cardiovascular at respiratory emergencies, lalo na sa mga kaso ng stroke, acute coronary syndrome, at bronchial asthma, at bukas ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Center sa buong holiday season.

Una rito, nakamit ng PHC ang Platinum Status bilang Acute Stroke Ready Hospital para sa mabilis na diagnosis at agarang lunas sa stroke patients.

Ayon kay Sec Herbosa, ang mga DOH hospitals ay nasa Code White Alert mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 6, 2026, kung saan may dagdag na medical staff, emergency rooms, at suplay ng gamot upang matiyak ang ligtas at napapanahong gamutan ngayong holiday season.