-- Advertisements --

Isiniwalat ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Christina Roque na mas marami pang opisyal ng attached agency nito na Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang inaasahang magbibitiw sa pwesto sa mga susunod na araw.

Ito ay kasunod ng pagbaba sa pwesto ng executive director ng board na si Herbert Matienzo at dalawang iba pang miyembro.

Ang pagbibitiw sa pwesto ng PCAB officials ay sa gitna ng kontrobersiya ng umano’y anomaliya sa flood control projects ng gobyerno.

Ayon kay Sec. Roque, agad na magiging epektibo din ang pag-alis sa pwesto ng mga ito.

Nakatakdang ianunsiyo ng kalihim ang uupong officer-in-charge ng PCAB kasama ang dalawang iba pa.

Samantala, nangako ang DTI na kanilang ilalabas ang buong listahan ng mga kompaniya na mawawalan ng kanilang lisensiya kasabay ng isinasagawang komprehensibong imbestigasyon sa mga anomaliyang may kinalaman sa accreditation ng mga kontraktor.

Sa ngayon, pinawalang bisa na ng PCAB ang lisensiya ng 9 na construction firms na pagmamay-ari o kontrolado ng contractor na si Sarah Discaya.