-- Advertisements --

Naghain ng “not guilty” plea si Sarah Discaya kasama ang siyam pang akusado kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng Php 96.5 milyon sa Davao Region.

Ginawa nila ito sa arraignment na isinagawa para sa dalawang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds ngayong araw sa RTC branch 27 sa Lapu-Lapu City .

Kasama ni Discaya na naghain din ng “not guilty” plea sina Ma. Roma Angelin Rimando, na kinakatawan ang St. Timothy Construction at ang walong indibidwal na nagmula sa DPWH Davao Region.

Sila ay nahaharap sa mga alegasyon ng paglabag sa batas dahil sa kanilang papel sa nasabing proyekto.

Ang sampung akusado ay dinala mula sa Lapu-Lapu City Jail patungo sa courtroom ni Judge Nelson Leyco para sa pormal na arraignment.

Sa pagdinig, tinanggihan ng korte ang kahilingan ng mga akusado na ibasura ang mga kaso laban sa kanila at ibalik sila sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi pinagbigyan ng korte ang kanilang mosyon na dismiss ang kaso.

Ang pre-trial conference naman ay nakatakda sa Pebrero 3, 2026, kung saan tatalakayin ang mga isyu at ebidensya bago ang pormal na paglilitis.