-- Advertisements --

Naglabas ng warrant of arrest ang Malolos Regional Trial Court (RTC) laban sa contractor na sina Pacifico “Curlee” Discaya, asawa niyang si Cezarah ”Sarah” Discaya, at siyam pang iba kaugnay ng kasong malversation through falsification of public documents na may kaugnayan sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Ang kautusan ay inilabas isang araw matapos magsampa ng mga kasong malversation at graft ang Office of the Ombudsman laban sa mag-asawang Discaya at sa kanilang mga kapwa akusado na sina Merg Jaron Laus, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Coronel Mendoza, Floralyn Simbulan, at Ma. Roma Angeline Rimando.

Ayon sa korte, walang inirekomendang piyansa para sa 11 akusado.

Samantala, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nakatakdang ilipat si Curlee Discaya sa Bulacan sa Lunes, Hunyo 8.

Ang kaso ay may kaugnayan sa rehabilitasyon ng river construction structure sa Bulusan, Calumpit, Bulacan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Contract ID No. 22CC0058.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, natuklasan sa imbestigasyon ng Ombudsman ang umano’y seryosong paglabag sa mga alituntunin ng gobyerno sa auditing at accounting.

Dagdag pa niya, nagkaroon umano ng buong bayad para sa dredging at embankment works kahit walang sapat na computation at kinakailangang dokumento na magpapatunay na natapos ang mga proyekto.

Dahil dito, umano’y nakinabang nang hindi naaayon sa batas ang St. Timothy Construction Corporation ng humigit-kumulang P53.9 million, na nagdulot ng malaking pinsala sa pondo ng pamahalaan.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ng mga akusado kaugnay ng desisyon ng korte.