-- Advertisements --

Ipinagtanggol ng mga abogado ng kampo ng kontratistang si Sarah Discaya at kapwa niya akusado na ang ₱96.5-milyong flood control project sa Davao Occidental ay hindi “ghost project” dahil nakumpleto ang istruktura noong 2022 pa.

Ayon sa mga abogado, ang pinsalang dulot ng malakas na ulan at tornado noong Disyembre 26, 2024 ang dahilan ng repair works na nakita sa imbestigasyon, na sakop ng limang taong warranty ng kontraktor.

Ang kaso ay isinampa laban sa kontratistang si Sarah Discaya, presidente ng St. Timothy Construction na si Maria Roma Rimando, at walong opisyal ng DPWH Davao Occidental District, na sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft Law at malversation.

Ayon sa prosekusyon, natuklasan nilang hindi pa kumpleto ang proyekto noong inspeksyon noong Oktubre 25, 2025, at may di-pagkakatugma sa inaprubahang plano at aktwal na istruktura.

Sa paglilitis, dumalo ang mga akusado sa video conference, habang may kabuuang 18 testigo ang nakatakdang magsalaysay.

Nakaplanong magkaroon ng 12 hearings sa kaso mula Abril hanggang Setyembre.