-- Advertisements --

Ipinanukala ng Marcos administration ang P10.773 bilyong confidential at intelligence fundss (CIF) sa ilalim ng 2027 proposed national budget.

Ang panukalang CIF ay 8.8 posyentong mas mababa kumpara sa P11.818 bilyong inilaan para ngayong 2026.

Inirekomenda ng ehekutibo ang nasa P4.368 bilyon para sa confidential funds habang P6.405 bilyon naman para sa intelligence funds.

Ayon kay Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon, tanging ang mga ahensiyang lehitimong pinapayagang magsagawa ng confidential at intelligence functions ang makatatanggap ng naturang pondo sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa fiscal year 2027.

Tiniyak naman ng kalihim na sasalang ang paggamit ng CIF sa umiiral na budgeting, utilization, liquidation at auditing rules para masiguro ang pananagutan at magamit ang mga pondo para sa tunay na pakay nito.

Samantala, nagpanukala naman ang ehekutibo ng P111.98 bilyon sa unprogrammed appropriations (UA) para sa 2027, na ayon sa DBM ay pinakamababang halaga ng UA simula noong 2019.

Malaking bahagi nito ay ilalaan para sa pagpopondo ng foreign-assisted projects. Tiniyak naman ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Suansing na hindi nila papahintulutang mapondohan ang flood control projects gamit ang unprogrammed appropriations at gugugulin lamang ito para sa mga item na talagang kailangan.

Nakatakdang simulan ang deliberasyon ng P7.2 trilyong panukalang pambansang pondo sa mababang kapulungan sa Agosto 17 kasabay ng briefing ng Development Budget Coordination Committee.