-- Advertisements --

Sisimulan ng Kamara ang pagbusisi sa napaulat na 8-bilyong firearms insertion sa 2026 national budget sa susunod na linggo, ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante.

Ang pormal na naging mitsa ng pagsisiyasat ay ang liham na inihain ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na miyembro rin ng House Committee on Public Order and Safety, kung saan pormal niyang hinimok ang chairman ng komite na si Manila Rep. Rolando Valeriano na magpatawag ng imbestigasyon sa kontrobersyal na panukala.

Ayon sa mga lider ng partido, ang isyu ay may kinalaman sa kahilingan para sa pagbili ng P8 bilyong halaga ng armas na diumano’y isinulong sa labas ng normal na proseso ng badyet.

Ipinaliwanag ni Abante na kinilala na ni Valeriano ang nasabing kahilingan, at kinumpirma nitong kikilos ang kanyang komite ukol sa usapin, kasabay ng pahayag ni Valeriano sa publiko na agad siyang magpupulong para sa imbestigasyon.

Malaki na ang naging atensyon sa kontrobersya, hindi lang dahil sa napakalaking halagang sangkot, kundi dahil din sa mga personalidad na sinasabing konektado sa tinangkang budget request.

Umiikot ang mga ulat na may kinalaman ang anak ng isang mataas na opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagsusulong ng panukala, na lalo pang nagbukas ng mga tanong ukol sa propriety at conflict of interest.

Nang tanungin kung ano ang layunin ng liham ni Abante kay Valeriano, binigyang-diin ng tagapagsalita ng Kamara na nilalayon nitong ilatag ang pinakamahalagang mga tanong na dapat tugunan ng imbestigasyon, at idinagdag na mahalaga ang resolusyon sa mga ito para matukoy ang pananagutan at legalidad.

Binigyang-diin ng tagapagsalita na nais ng Kamara ng malinaw at diretsong mga sagot sa mga puntong ito upang matukoy kung may mga batas na nilabag at para malaman ang implikasyon nito sa integridad ng proseso ng pagbadyet. 

Una ng ibininunyag ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno na may nasilip silang anomalya sa DILG lalo na ang P8 billion halaga na pondo para pambili ng armas.