KALIBO, Aklan–Kinansela ng ilang grupo ng estudyante at mga civic organizations sa Jakarta ang nakatakdang kilos-protesta matapos higpitan ng awtoridad ang seguridad sa kabisera, kasunod ng isang linggong marahas na demonstrasyon laban sa mataas na benepisyo ng mga mambabatas.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Genevieve Cumla, Filipino teacher sa Jakarta, Indonesia, bahagyang kumalma ang mga demonstrador matapos nangako si Pangulong Prabowo Subianto na babawasan ang benepisyo ng mga mambabatas, ngunit nag-utos din ng mahigpit na aksyon laban sa mga nanggugulo matapos masunog at manakawan ang ilang bahay ng pulitiko at gusaling pampamahalaan.
Makikita aniya ang kaliwa’t kanang checkpoints at armored vehicles na nagpapatrolya upang tiyakin ang seguridad sa buong Jakarta habang ang ilan sa kanila ay nananatili sa kanilang mga tahanan.
Umaasa aniya sila na maninindigan ang Pangulo sa kaniyang pangako upang matapos na ang karahasan sa bansa na nakaapekto sa kanilang kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay.
Umapela din ng dasal si Cumla para sa kaligtasan ng Filipino community sa nasabing bansa.