-- Advertisements --

Simula Disyembre 1, 2020 ay sisimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang mandatory implementation ng cashless toll sa mga toll gates.

Sa pahayag na isinapubliko ng ahensya, ang bagong schedule na ito ay bilang tugon na rin ng DOTr sa panawagan ng mga motorista na hindi pa nakakapagpa-install ng RFID stickers sa kanilang mga sasakyan.

Ayon kay toll regulatory board Executive Director Abraham Sales, pinayagan na sila ni Secretary Arthur Tugade ang nasabing extension upang mabigyan ng sapat na oras ang mga motorista na magpalagay ng RFID.

Ang hakbang na ito ay para na rin daw maiwasan ang mahabang pila na nararansan ngayon ng mga toll gates.

Saad pa ni Sales na ito na raw ang huling pagkakataon na i-eextend ng ahensya ang pagkuha ng RFID.

Sa ngayon ay nakahanda na ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) at San Miguel Corporation (SMC) sa paggamit ng naturang electronic payment systems.

Nagpaalala naman si DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor sa mga motorista na magang magpalagay ng RFID sa kanilang mga sasakyan.

Dapat umanong iwasan ng mga ito ang pagmamadaling pumunta sa installation sites kapag malapit nang mapaso ang ipinatupad na extension.

Batay sa Department Order 2020-012, inaatasan ng DOTr ang lahat ng toll road operators na gawing cashless ang kanilang transaksyon simula sa Nobyembre 2 upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.