-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan na hindi siya nakinabang o kumita sa mga una nang nabunyag na ghost project sa bansa.

Ayon sa kalihim, wala siyang kinalaman sa mga naturang proyekto, at wala din siyang kaugnayan sa mga DPWH official na nagpatupad nito, kasama na ang mga contractor.

Una nang nabunyag ang ghost project sa Baliuag, Bulacan, matapos magsagawa ng inspection si Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ang naturang proyekto ay may project description na ‘Construction of Reinforced Concrete River Wall’ at may actual address na Purok 4, Barangay Piel, Baliuag, Bulacan

Bagaman ito ay pinundohan ng P60M sa ilalim ng 2025 National Budget, ang contract cost ng nanalong contractor ay nagkakahalaga ng kabuuang P55,730,911.60

Naipasakamay ito sa Syms Construction Trading habang ang Bulacan 1st District Engineering Office naman ang nag-implementa sa naturang proyekto.

Maliban sa naturang proyekto, ilang mga flood control project sa naturang probinsya ang tinutukoy ngayon bilang ghost project.

Pero giit ni Sec. Bonoan, sinisiyasat na ng DPWH ang mga naturang proyekto at tiyak ang pagpapataw ng parusa sa sinumang matutukoy na responsable o nakinabang sa mga ito.

Ayon sa kalihim, ilan sa mga district engineer na natukoy na responsable sa naturang isyu ay pinatawan na ng preventive suspension habang gumugulong ang imbestigasyon.