-- Advertisements --

Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Audit ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos lumabas ang ulat na naglabas ito ng P1.77 bilyon sa loob lamang ng isang araw sa ilalim ng pamumuno ni Minister Mohagher Iqbal.

Nagkaroon umano ng payout na halos dalawang bilyong-piso noong Marso 7, 2025 na nakalaan para sa Learners’ at Teachers’ Kits, subalit ayon sa lumabas na reklamo ay hindi umano ito dumaan sa pagsusuri at lagda ng Finance Division, isang paraan upang masiguro ang legalidad at ang pagsunod ng naturang badyet sa mga batas ng gobyerno.

May mga tseke ring umano’y direktang ibinigay sa ilang tauhan, kabilang ang cashier, nang walang kaukulang oversight.

Kumpirmado ni COA Chairman Gamaliel A. Cordoba na isasailalim na sa special audit ang usapin. Sa isang liham noong Agosto 11 na ipinadala ni Cordoba kay BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua, sinabi nito na ang mga reklamo laban kay Iqbal ay “nangangailangan ng pagsasagawa ng special audit” matapos ang paunang pagsusuri ng mga tanggapan ng COA.

Dagdag pa niya, bumubuo na ng audit team ang ahensya upang siyasatin ang mga transaksyo. Kaugnay nito ay humiling si Cordoba ng suporta mula kay Macacua para sa buong proseso ng imbestigasyon.

“We respectfully request your assistance for the audit team for the entire duration of the audit. We shall coordinate with your office on this matter,” ani Cordoba.

Ang P1.77-bilyong disbursement ang pinakamalaki sa serye ng mga reklamong kinakaharap ng MBHTE na may pinakamalaking bahagi ng pondo sa Bangsamoro government na higit P36 bilyon o halos ikatlong bahagi ng kabuuang badyet ng BARMM. Sa kabila ng malaking pondo, nananatili pa ring may pinakamataas na antas ng illiteracy sa buong bansa ang rehiyon.

Isa pang reklamong iniimbestigahan ay ang P449-milyong bayad na ibinigay umano sa iisang supplier na tinawag na “questionable circumstances” ng COA.

Ayon sa sources, may mga testigong lumagda sa sinumpaang salaysay na nagdedetalye ng mga iregularidad sa loob ng MBHTE. Matagal nang kinakaharap ng ministry ang mga paratang ng katiwalian kabilang ang umano’y pagbebenta ng teaching items sa mga gurong nais makapasok sa serbisyo.

Desisyon ng special audit ng COA ang maghahatol kung ang mga reklamong ito ay hahantong sa administrative or criminal charges.