-- Advertisements --

Kinastigo ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) dahil sa pagsama sa “ghost students,” hindi kuwalipikadong benepisyaryo, at estudyanteng mula sa mamahaling pribadong paaralan sa Senior High School (SHS) Voucher Program para sa school years 2022–2023 at 2023–2024.

Ayon sa audit report, may mga voucher beneficiaries na hindi makita sa monitoring visits, may maling school assignment, at may mga estudyanteng nakalistang enrolled pero hindi naman pumapasok.

Natukoy rin ang paulit-ulit na paglista ng mga benepisyaryo sa iisang paaralan o sa iba’t ibang voucher-participating schools.

Dahil sa double billing at multiple entries, umabot sa ₱868,500 ang sobrang naibayad, kabilang dito ang 39 estudyanteng may magkaparehong pangalan ngunit magkaibang learner reference number (LRN) at 722 estudyante na may parehong pangalan at reference number na na-bill nang higit sa isang pagkakataon.

Tinukoy rin ng COA ang kakulangan sa validation ng DepEd at ang kawalan ng malinaw na eligibility rules, na nagresulta sa 3,356 estudyante mula sa mamahaling private schools na nakatanggap ng P62.9 milyong vouchers noong SY 2023–2024.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng COA na dapat unahin ang mga kapos-palad na mag-aaral at iminungkahi ang pagbuo ng malinaw na pamantayan batay sa kita ng pamilya, na sinang-ayunan ng panig ng DepEd.