-- Advertisements --

Tinanggal sa pwesto ang ilang opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil umano sa alegasyo ng korapsyon at iregularidad.

Kaagad naman pinalitan ang hepe ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office (LPM DEO) si Engineer Isabelo Baleros.

Si Baleros ay inilipat sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office sa ilalim ng NCR Region, at pinalitan ni Engineer Ruel Umali, alinsunod sa memorandum na inilabas ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Ang hakbang na ito ay isinagawa makalipas lamang ang dalawang linggo matapos pormal na hilingin ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos kay Bonoan na tanggalin si Baleros dahil umano sa mga kuwestiyonableng transaksyon, kabilang na ang kontrobersyal na paglilipat ng pondo para sa flood control.

Ibinunyag ni Santos na humiling si Baleros na mailipat ang pondo para sa ilang proyekto ng Las Piñas mula sa kanyang district office papunta sa regional office ng DPWH sa NCR nang hindi kinokonsulta ang Tanggapan ng Alkalde, ang Opisina ng Kinatawan ng Kongreso, ang City Engineering Office, o ang Sangguniang Panlungsod.

Sentro ng kontrobersiya ang ₱140-milyong C5 Diversion Road project sa Barangay Manuyo Dos—ang pinakamalaking alokasyon mula sa kabuuang ₱450.5-milyong pondo para sa imprastruktura ng Las Piñas ngayong taon.

Batay sa mga dokumento, noong Hunyo 9, 2025, nagsumite si Baleros ng liham kay DPWH–NCR Assistant Regional Director Montrexis Tamayo na humihiling na ang pagpapatupad ng proyekto ay ilipat sa regional office.

Tahimik na inaprubahan ang kahilingan ng DPWH Assistant Secretary for Regional Operations Loreta Malaluan at kinumpirma ni Bonoan noong Hulyo 15, 2025.

Binigyang-diin ni Bonoan na pananagutin ang mga opisyal at kawani ng DPWH na mapapatunayang responsable sa mga substandard o “ghost” flood control projects, at tiniyak na kakasuhan sila ng nararapat na kasong kriminal.