Sinuspinde ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa Bangsamoro Parliamentary Elections matapos maaprubahan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang isang panukalang batas na muling naghahati sa pitong puwesto sa parlyamento na orihinal na nakalaan para sa probinsya ng Sulu.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakatakda sanang simulan ngayong araw ang pag-imprenta ng mga balota para sa Basilan, Tawi-Tawi, at sa Special Geographic Area (SGA), ngunit ipinagpaliban ito bunsod ng pagpasa sa 3rd at final reading ng Parliament Bill No. 351.
Layon ng naturang panukala na baguhin ang Bangsamoro Autonomy Act No. 58 at muling ipamahagi ang pitong puwesto ng Sulu matapos magpasya ang Korte Suprema noong 2023 na hindi bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nasabing lalawigan, dahil tinutulan nito ang Bangsamoro Organic Law noong 2019 na plebisito.
Sa ilalim ng bagong hatian, makakakuha ng siyam na puwesto ang Lanao del Sur, tig-limang puwesto ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, apat ang Basilan, apat ang Tawi-Tawi, tatlo ang Cotabato City, at dalawa ang Special Geographic Area.
Nilinaw ni Garcia na hinihintay pa ng poll body ang opisyal na kopya ng panukalang batas upang malaman kung agad ba itong ipatutupad sa darating na halalan o sa 2028 elections na.
Kung maisasabatas kasi ito bago ang Oktubre, kinakailangang buksan muli ang filing ng certificates of candidacy dahil sa pagbabago ng bilang ng puwesto, bagay na makakaapekto rin sa ballot face template.
Gayunpaman, tiniyak ni Garcia na matutuloy ang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13 ng kasalukuyang taon, may 73 o 80 man na puwesto sa parlyamento.