Ibinunyag ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga ang ulat mula sa kaniyang intelligence network kaugnay sa closed door investigation ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa social media post ni Barzaga, base umano sa report, magsisilbi umano bilang state witness sa imbestigasyon sa flood control scandal si dating House Speaker Martin Romualdez.
Kung saan kakaladkarin umano ni Romualdez at mananawagan sa pag-aresto kina Senator Chiz Escudero, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Mark Villar, na nagsilbing dating kalihim ng DPWH habang prinoprotektahan mula sa imbestigasyon ang kanilang mga kaalyado sa Kamara kabilang na sina Presidential son at Cong. Sandro Marcos, Jay-Jay Suarez, Roman Romulo, at Zia Adiong.
Saad pa ng mambabatas, mayroong mga report na pinaplano umano ng Commission on Elections (Comelec) na ideklarang walang bisa ang resulta ng halalan noong 2022. Ito ay upang madiskwalipika si Vice President Sara Duterte sakaling mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Subalit nilinaw din ni Cong. Barzaga na ang naturang mga ulat ay pawang mga espekulasyon lamang mula sa foreign intelligence.
Ayon pa sa mambabatas, patuloy umano ang pagtatakip ng ICI sa katotohanan kaugnay sa kanilang mga imbestigasyon, kung kayat magsisilbi umano siya bilang mata ng taumbayan.
Samantala, nauna naman ng itinanggi ng Department of Justice (DOJ) ang pagkokonsidera kay Romualdez bilang state witness.
Ayon sa ahensiya, walang inihahaing aplikasyon ang dating House Speaker sa DOJ para maging state witness. Iginiit din ng ahensiya na wala silang papalagpasin sakaling mag-isyu ng warrant sa mga sangkot sa korapsiyon sa maanomaliyang mga proyekto.
Nauna na ring itinanggi ni Romualdez na nakatanggap siya ng kickbacks sa infra projects at sinabing ang pagdawit sa kaniya sa isyu ay isang gawa-gawa lamang.