-- Advertisements --

Nakiisa si House Deputy Minority Leader at ML Partylist Rep. Leila de Lima sa dalawang dating opisyal ng Malaysia at Thailand, at dating eksperto ng UN sa Myanmar sa panawagan na tutulan ang planong huwad na eleksyon ng militar sa Myanmar at igiit ang tunay na solusyon sa krisis.

Batay sa joint statement, dapat kumilos agad ang ASEAN sa darating na 47th Summit na nakatakda sa Oktubre 26–28 na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia  dahil inaasahang magsisimula ang eleksyon ng junta sa Disyembre 28. 

Nanawagan sila ng bagong estratehiya na tunay na demokratiko, inklusibo, at makatarungan.

Binigyang-diin sa pahayag na nabigo ang ASEAN sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus, at sa halip ay pinabayaan ang libu-libong sibilyan, pinalakas ang krimen, at pinahintulutan ang mga kudeta.

Ayon sa grupo, ang eleksyon ay magiging makabuluhan lamang kung may tigil-putukan, nakalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal, may partisipasyon ng lahat ng partido, at may dayuhang tagamasid.

Hinimok din nila ang ASEAN lalo na ang Malaysia bilang kasalukuyang tagapangulo at Pilipinas bilang susunod na pangunahan ang Agarang tigil-putukan at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal; Pinalawak na koordinasyon sa mga grupo tulad ng NUG at mga ethnic group; Pagsuporta sa pagbuo ng bagong demokratikong konstitusyon ng Myanmar; Pagpaparusa sa junta kung patuloy itong lalabag at Pagsuporta sa hustisya para sa mga krimen sa Myanmar.

Matatandaang si De Lima rin ang nanguna sa House Resolution No. 342 na nananawagan sa ASEAN na maging mas aktibo sa pagresolba sa krisis sa Myanmar.

Kabilang sa signatories sa joint statement ay ang mga sumusunod: Dato Sri Saifuddin Abdullah, former Minister of Malaysias’s Foreign Affairs and current member of the House of Representatives of Malaysia; Khun Kasit Piromya, former Minister of the Foreign Affairs of Thailand; at tatlo iba pang dating UN experts on Myanmar sina Marzuki Darusman, Yanghee Lee at Chris Sidoti.

Patuloy na umaapela si De Lima sa gobyerno na tumulong para tuldukan ang kaguluhan sa Myanmar.

Bilang dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) kaniyang ipinanukala sa pamahalaan kasama ang ASEAN member-states na magpadala ng mga barko at tulungan ang Rohingya Muslims o “boat people” na nanatiling istranded sa karagatan at iligtas ang kanilang buhay.