Pinawi ng Armed Forces of the Philippines ang pangamba hinggil sa usapin ng reclamation activities sa West Philippine Sea sa gitna ng plano ng People’s Republic of China na pagtatatag ng nature reserve sa may Bajo de Masinloc o Panatag Shoal.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, iniulat ng opisyal na wala silang nakikitang anumang reclamation o building activities ng China sa WPS.
Paliwanag pa ng Navy official na ang mga napaulat sa mga nakalipas na pagkakataon hinggil sa mga tambak na durog na corals ay bunsod ng “tidal actions”, base sa kanilang isinagawang pagsusuri kasama ang iba pang kaugnay na ahensiya.
Ikinokonsidera naman ni RAdm. Trinidad ang plano ng China na pagtatayo ng Huangyan Dao National Nature Reserve sa Scarborough Shoal bilang “maligned influence o misinformation, disinformation at malinformation, na bahagi ng operating concept ng China” para takutin ang kalaban o ang panig ng Pilipinas.
Ginawa na rin aniya ito ng China noon kung saan nagbanta silang ipapatupad ang Coast Guard Law noong Enero 2021. Matatandaan, sa ilalim ng naturang batas, nagbabala noon ang China ng pag-aresto at pagkulong sa mga dayuhang manghihimasok sa maritime areas sa ilalim umano ng kanilang hurisdiksiyon sa loob ng 60 araw.
Samantala, inihayag din ni RAdm. Trinidad na walang dapat na ipangamba sa mga namataang underwater structures at barriers malapit sa Bajo de Masinloc sa kamakailang isinagawang maritime inspection.
Base sa kanilang pagsusuri, ang mga istrukturang ito ay dati ng pundasyon ng planong starshell barracks na hindi natapos na nasa northeastern part ng bukana ng Bajo de Masinloc at hindi ito kagagawan ng sinumang dayuhan.