-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na patuloy na maglalaan ng pondo at suporta ang pamahalaan para sa pagpapalakas ng kapabilidad Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa Pangulo, patuloy na mag invest para sa mga bagong barko, sasakyang panghimpapawid, command posts, at mga makabagong komunikasyon system. palalawakin at paiigtingin din ang pagsasanay, pasilidad, at lohistika upang mabigyan ng karangalan at dignidad ang bawat tauhan ng PCG sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Bilang bahagi ng pagpapabuti ng kapakanan ng mga kawani, itinatayo rin ng pamahalaan ang PCG General Hospital, ang Maritime Law Enforcement Training Center sa Misibis, at ang First Responder and Nursing Service Facility. Layunin nitong matiyak ang kagalingan ng mga miyembro ng PCG, maging sa dagat man o sa lupa.

Aminado din ang Pangulo na nahaharap sa hamon ang gobyerno sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan, ngunit tiniyak niya na maibabalik ito sa pamamagitan ng pagiging tapat at bukas sa kanilang misyon.

Binigyang-diin din ng Pangulo na ang dagat, bagama’t puno ng hamon at pagbabago, ay nagbibigay gantimpala sa mga nananatiling tapat sa kanilang tungkulin.

Pinuri din ng Pangulo ang PCG sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon, disiplina, integrity at excellence sa public service.