Inanunsyo ng isang korte sa Seoul na ipinagpapaliban muna nila ang pagtakda sa petsa ng paglilitis kay South Korean President Lee Jae-myung kaugnay ng kasong kinahaharap nito noong 2022 elections.
Ito ay matapos pagtibayin ng South Korea Supreme Court noong Mayo na si Lee ay gumawa ng ”false statements” noong siya ay tumatakbo bilang pangulo, ngunit nabuksan ang kaso matapos mag-apela ang ilang grupo laban kay Lee.
Nabatid na ang Seoul High Court ay nakatakda sanang magsagawa ng pagdinig sa Hunyo 18, 2025, ngunit sinabi ng tagapagsalita ng korte na ito ay ipagpapaliban, ”to be decided later” alinsunod sa Article 84 ng Konstitusyon ng bansa.
Ayon kasi sa Article 84 ng South Korean Constitution, hindi maaaring kasuhan ang isang nakaupong pangulo habang siya’y nasa puwesto, maliban sa ilang partikular na kaso.
Gayunpaman, hati ang opinyon ng mga legal experts kung ito ay naaangkop din sa mga kasong naipursige na bago pa man mahalal ang isang pangulo.
Sinabi ng National Court Administration na ang mga hukom ng kani-kanilang korte ang magpapasya kung ipagpapatuloy o ihihinto ang kaso laban kay SoKor President Lee.
Samantala, iniulat ng local media na KBS na ang Democratic Party, na kontrolado ni Lee, ay naghahanda ng panukalang batas ngayong linggo upang suspindihin ang mga kasong kriminal laban sa sa kanya.
Maaaring dalhin ito sa Constitutional Court upang suriin kung ito ay salungat sa Konstitusyon ng bansa.
Wala pang pahayag ang kampo ni Lee kaugnay ng desisyong ito ng korte.