Inalis na ng Constitutional Court si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra sa puwesto nitong Biyernes, Agosto 29, dahil sa paglabag sa ethics, matapos lamang ang isang taon sa panunungkulan.
Si Paetongtarn, 39, ang pinakabatang Prime Minister ng Thailand at anak ng dating PM na si Thaksin Shinawatra. Siya ang ika-anim na lider mula o sinuportahan ng bilyonaryong Shinawatra family na natanggal sa puwesto ng militar o korte sa loob ng dalawang dekada.
Ayon sa korte, nilabag umano ni Paetongtarn ang ethics matapos ang isang leaked phone call noong Hunyo, kung saan tila nagpakumbaba siya sa dating lider ng Cambodia na si Hun Sen sa gitna ng tensyon sa border ng dalawang bansa.
Ilang linggo matapos ang naging-tawag, sumiklab ang limang araw na labanan sa border.
Dahil sa ruling, kinakailangang pumili ang parliyamento ng bagong prime minister. Samantala, pamumunuan muna ng Deputy Prime Minister Phumtham Wechayachai at ng kasalukuyang gabinete ang gobyerno bilang caretaker.
Bukod dito ang natitirang kandidato mula sa Pheu Thai Party ay si Chaikasem Nitisiri, 77 taong gulang at dating attorney general. Gayunpaman, may mababang profile ito at kulang sa karanasan sa gabinete.
Kabilang sa ibang posibleng kahalili ay si Anutin Charnvirakul, na dating deputy PM, at si Prayuth Chan-ocha na dating lider ng coup noong 2014, na ngayo’y retirado na sa politika.
Dahil sa pagbabagong ito ay tumaas pa ang tensyon sa Thailand, na kasalukuyang humaharap sa mabagal na ekonomiya at kawalang-kasiguruhan sa reporma.
Ayon sa mga analyst, mahihirapang manatili sa poder ang Pheu Thai dahil sa manipis na mayorya sa koalisyon.