-- Advertisements --

Bumoto na ngayong Martes ang mga mamamayan ng South Korea para sa pagpili ng bagong pangulo, anim na buwan matapos ang kontrobersyal na deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Yoon Suk Yeol, na nauwi sa kanyang impeachment.

Maaga pa lamang ay pumila na ang ilang matatandang botante sa Seoul upang bumoto. Ayon sa National Election Commission, higit sa 1/3 ng mga rehistradong botante ay nakaboto na noong nakaraang linggo.

Nangunguna sa mga survey ang liberal na si Lee Jae-myung, kung saan 49% ang pumabor sa kanya. Habang ang kanyang katunggali mula sa conservative People Power Party na si Kim Moon-soo ay may 35%.

Ayon sa mga eksperto, itinuturing ng maraming botante ang halalan bilang isang referendum laban sa nakaraang administrasyon. Ang deklarasyon ni Yoon ng batas militar, na nagpadala ng mga sundalo sa parlamento, ay nagdulot ng malawakang pagkakabaha-bahagi sa conservative bloc.

Sa ilalim ng snap election, ang mananalong kandidato ay agad na magiging pangulo sa oras na maaprubahan ang resulta ng boto —walang transition period gaya ng regular na halalan.

Ayon sa ilang botante, umaasa sila na ang bagong pangulo ay magdadala ng pagkakaisa, kapayapaan, at kayang tapusin ang krisis sa pulitika.