-- Advertisements --

Magsasagawa ang ilang Muslim religious leaders ng mga seryo ng moon sighting activity simula mamayang hapon para sa opisyal na pagdedeklara ng pagsisimula ng Ramadan, ang ika-siyam na buwan sa kalendaryong Islamiko at itinuturing na pinakabanal na panahon para sa mga Muslim.

Gaganapin ito sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na isa sa may pinakamalaking Muslim population sa bansa, pangungunahan ng Bangsamoro Darul-Ifta’ ang Ramadan Moon Sighting.

Kung tuluyang masisilayan ang Ramadhan crescent, bukas (Feb. 18) ang magiging unang araw ng Ramadan. Kung hindi naman masisilayan ang buwan, ang araw ng Huwebes ang magiging opisyal na pagsisimula ng banal na buwan.

Inaasahang i-aanunsyo ng Bangsamoro Mufti ang resulta ng moon sighting ngayong araw, pagkatapos ng Ishaa’ prayer.

Kadalasang nagsasagawa ng isang-buwang pag-aayuno ang mga Muslim na nasa hustong gulang sa tuwing banal na buwan kung saan umiiwas ang mga ito sa pagkain, pag-inom, paninigarilyo, at masasamang gawa mula madaling araw hanggang sa paglubog ng araw.