Napatunayan ng mga Muslim ang kanilang katatagan habang nasa kasagasagan ng Ramadan season, lalo na sa mga nakabase sa Middle East na kasalukuyang nahaharap sa matinding digman.
Ayon kay National Da’wah Council of the Philippines (NDCP) president at dating National Commission for Muslim Filipinos Commissioner Yusoph Mando, na sa kabila ng malawak na giyera sa Gitnang Silangan ay pinili pa rin nilang gampanan ang kanilang religious obligation tulad ng pagsasagawa ng serye ng panalangin, pagninilay, at iba pa.
Marami sa mga Muslim sa Middle East, kasama na ang mga Muslim Filipinos na naroon, ang nagpatuloy sa kanilang obserbasyon ng Ramadan, kahit pa kaliwa’t-kanan ang mga missile at drone attacks.
Inihalimbawa ni Mando ang mga Muslim na nananalangin sa mga dating lugar-sambahan, kahit ang natitira na lamang sa mga ito ay pawang mga debris dahil sa pagkakadamay sa digmaan.
Hindi rin alintana ng mga ito aniya ang banta ng missile attack sa kanilang kaligtasan.
Patuloy namang nananawagan ang Filipino Muslims na pairalin ang diplomasya sa kabila ng tumitinding tensyon.
Ayon sa National Da’wah Council of the Philippines president, ramdam na sa buong mundo ang epekto ng digmaan kahit na ilang araw pa lamang ang lumilipas mula noong ito ay lumala.
Bahagi rin ang panalangin ng maraming Muslim communities aniya ay ang tuluyang pagtigil na ng giyera sa lalong madaling panahon, at ang pagbabalik ng sitwasyon sa dati, tulad ng mas mababang presyo ng langis, produkto, at serbisyo.
















