-- Advertisements --

Ipagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Halal culture at women empowerment sa isang serye ng mga aktibidad na gaganapin mula Marso 23 hanggang 26, 2026.

Ayon sa anunsyo ng lungsod, idaraos ang Manila Halal Festival mula Marso 23 hanggang 25 sa Inner Court ng Manila City Hall, araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon,

Itatampok dito ang iba’t ibang Halal-certified products, culinary traditions, at ang lumalawak na Halal ecosystem sa bansa.

Layunin ng festival na hindi lamang ipakilala ang Halal food at produkto, kundi palakasin din ang kaalaman ng publiko at mga negosyante hinggil sa kahalagahan nito sa lokal at pandaigdigang pamilihan.

Magkakaroon din ng mga seminar para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) upang makatulong sa kanilang business success.

Ang nasabing programa ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry at Department of Tourism.

Samantala, sa Marso 26, gaganapin naman ang event na “Bongga Ka, Gurl! The 90s Street Jam,” isang selebrasyon ng kababaihan at self-expression.

Magsisimula ito sa “Lakad para sa Kababaihan” sa ganap na ala-5 ng hapon sa Rajah Sulayman Park, bilang pagkilala sa lakas, kontribusyon, at resilience ng mga kababaihan.

Susundan ito ng paglalakad patungong Remedios Circle kung saan magiging isang open-air 90s-inspired street party ang lugar.

Hinihikayat ang mga dadalo na magsuot ng 90s-inspired outfits habang tampok ang musika, performances, at community activities na sumasalamin sa kultura ng kababaihan at pagkakaisa ng komunidad.

Ang mga naturang aktibidad ay inorganisa ng DTCAM sa pakikipagtulungan ng Malate-Ermita Economic Development and Investment Promotion Office (MEEDIPO), bilang bahagi ng adbokasiya ng lungsod para sa ligtas, inklusibo, at empowering public spaces.

Libre at bukas sa publiko ang lahat ng nasabing events.