-- Advertisements --

Pansamantala munang ipagbabawal ang paglalayag at pangingisda sa ilang bahagi ng West Philippine Sea mamayang gabi (Aug. 4) dahil sa pinangangambahang pagbagsak ng rocket debris.

Batay sa abisong inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ilang bahagi ng western seaboard ng bansa ang natukoy bilang drop zone ng mga debris na posibleng babagsak mula sa pinalipad ng China na Long March 12 space rocket patungo sa kalawakan. Pangunahin dito ang mga karagatang sakop ng Palawan.

Batay sa pagtaya ng Philippine authorities, ang mga debris ay posibleng bumagsak sa mga natukoy na drop xone tulad ng humigit-kumulang 21 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 18 nautical miles mula sa Tubbataha Reef Natural Park.

Walong coordinates ang natukoy na maaaring pagbagsakan ng mga debris na pawang nakapaloob sa natukoy na drop zone.

Ayon sa BFAR, mataas ang banta at panganib ng mga posibleng babagsak na debris sa mga brko, mga bangkang pangisda, atbpang sasakyang pandagat na maaaring mapadaan sa drop zone.

Dahil dito, inirekomenda ng naturang opisina ang pansamantalang pagbabawal munang pangingisda at paglalayag sa mga natukoy na drop zone upang maiwasan ang mga naturang banta.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na paglutang ng ilan sa mga mahuhulog na debris at tuluyang mapadpad sa mga komunidad. Payo ng BFAR sa mga fishing communities, iwasang pulutin ang mga ito at sa halip ay agad ireport sa mga otoridad.

Una na ring naglabas ng abiso ang Philippine Space Agency sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ukol sa banta at panganib na dulot ng naturang rocket launch.

Hindi naman inaasahang babagsak ang mga ito sa kalupaan ng bansa, lalo na sa mga lugar na may mga nakatira.