-- Advertisements --

Nanindigan si Political Science Prof. Antonio Contreras na malinaw ang naging pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ang Kalayaan Group of Islands (KIG).

Ito ay sa kabila ng paliwanag ni Marcoleta na nabigyan ng maling pakahulugan ang kaniyang statement, matapos itong umani ng batikos.

Ayon kay Contreras, nakakalungkot na mistulang pinapalabas ni Marcoleta na hindi marunong umintindi ang mga Pilipino sa mga kontrobersyal na pahayag, kahit napakalinaw ang kahulugan ng mga naturang pahayag.

Binalikan ni Contreras ang ginamit ni Marcoleta na terminolohiyang ‘i-give-up ang KIG’.

Ayon sa propesor, walang ibang interpretasyon dito kungdi isuko o pabayaan na lamang ang naturang grupo ng mga isla, na malinaw ding naintindihan ng mas nakararaming Pilipino.

Hindi rin aniya kailangan ng ‘sophisticated analysis’ para maintindihan ang punto ng bagitong senador dahil madali itong maintindihan, taliwas sa claim ni Marcoleta na nabigyan ito ng maling interpretasyon.

Apela ni Contreras kay Marcoleta, sana ay tigilan na niya ang ‘pangga-gaslight’ sa mga Pilipino dahil marunong aniyang umintindi ang mga Pilipino sa pahayag ng mga lider at opisyal ng bansa.