-- Advertisements --

Naniniwala ang political science professor na si Prof. Antonio Contreras na makailang-ulit nang lumabag si Senator Robin Padilla sa mga panuntunan ng Senate Impeachment Court, partikular sa Rule 18 o ang sub judice rule.

Ayon kay Contreras, naging madalas ang paglabag ng senador sa nakalipas na mga araw ng pag-usad ng impeachment trial.

Inihalimbawa ng propesor ang ginawa ni Padilla noong Agosto 27 kung saan itinuring niyang labis na out of line ang linya ng pagtatanong nito ukol sa paggamit ng alyas ng mga bayani kumpara sa paggamit ng alyas ng mga tumanggap ng confidential funds, dalawang bagay na hindi umano pwedeng ikumpara sa tamang konteksto.

Idinagdag pa ng dalubhasa na nagmumukhang theater of the absurd ang interpellation ng senador at hindi na matukoy kung nais ba nitong magpatawa o maging romantiko sa gitna ng seryosong paglilitis.

Dahil dito, nanawagan si Contreras sa impeachment court na aksyunan ang naturang gawi.

Aniya, kailangang maging mas mahigpit ang presiding judge na si Sen. Chiz Escudero at gamitin ang kaniyang kapangyarihang ideklara bilang out of order ang sinumang senator-judge kapag hindi na akma ang sinasabi o ginagawa nito sa korte.