-- Advertisements --

Sa pagsisimula ng ika-19 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, binigyan ng Senate Impeachment Court ng pagkakataon si private prosecutor Atty. Virgil Ligutan upang magpaliwanag kaugnay ng kaniyang kontrobersyal na online post noong Agosto 12, 2026 na pinuena ng defense team.

Paliwanag ni Ligutan, isang regular na edukasyonal na hirit lamang ukol sa usapin ng misleading questions ang kaniyang ginawa sa Facebook at ang kaniyang teacher’s instinct bilang guro sa batas ang nagtulak sa kaniya na ipost ito.

Giit ng batikang litigator, wala siyang tinukoy na partikular na abogado mula sa kampo ng depensa, wala siyang nilabag na alinmang tuntunin ng korte, at hindi rin niya tinalakay ang mismong merito ng kaso.

Aniya, magpapatuloy ang kaniyang pagnanais na magturo ng batas sa publiko kahit pa nagsisilbi siya bilang miyembro ng House prosecution panel.

Subalit sa kabila ng paliwanag na ito, inabot ng 36 minuto ang inilabas na opisyal na ruling ni Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng naturang usapin, kasama na ang paalala sa paggamit ng mga hindi angkop na salita sa pagdinig tulad ng “scam” at “scammer.”

Binigyang-diin ni Escudero na bagama’t bukas sa publiko ang impeachment court, hinding-hindi niya papayagan ang trial by publicity o ang paggamit ng mga social media platform upang mag-usig ng isyu at impluwensyahan ang pananaw ng publiko.

Dahil dito, naglabas ng strict warning ang Presiding Officer sa prosecution panel, defense counsels, at maging sa mga senator-judges na itigil na ang pagpapakalat ng anumang komentaryo tungkol sa paglilitis sa social media dahil nakasisira ito sa integridad at pagiging patas ng buong proceedings.