Nagpahayag ang Office of the Ombudsman ng kahilingan para sa precautionary hold departure order laban kay Senador Chiz Escudero at negosyanteng Maynard Ngu kaugnay ng imbestigasyon sa flood control project.
Kumpirmado ng isang mataas na opisyal ng Sandiganbayan na ang aplikasyon ay na-raffle na sa Sixth Division ng korte. Nahaharap sina Escudero at Ngu sa imbestigasyon dahil sa umano’y plunder, graft, at bribery na may kaugnayan sa pondo para sa flood control program.
Matatandaang noong 2025 ay lumabas ang ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y anomalya sa multi-billion peso flood control projects sa Metro Manila at ilang probinsya, kabilang ang mga kontratang overpriced at hindi natapos sa tamang oras.
Ayon sa COA, ang mga pagkukulang na ito ay nagdulot ng malalang pagbaha sa ilang lugar, dahilan upang magsimula ang masusing pagsisiyasat ng Ombudsman.
Sa kasalukuyan, pinaiimbestigahan kung may direktang partisipasyon sina Escudero at Ngu sa mga kontratang ito.
Iginiit ng Ombudsman na ang travel ban ay mahalaga upang matiyak na haharap ang mga nasasangkot sa proseso ng imbestigasyon at hindi makalalabas ng bansa habang dinidinig ang kaso.















