-- Advertisements --

 Agaw-pansin ang biglaang paglutang ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa plenaryo ng Senado na nagbigay-daan upang makabuo ng quorum at maiproklama si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President.

Matapos ang dalawang araw na pagkakaantala ng sesyon dahil sa boycott ng mayorya, dumalo si Escudero at naging susi sa pagbabalik ng normal na operasyon ng Senado.

Sa pamamagitan ng boto ng mga dumalong senador, nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kalaunan ay kinilala bilang Senate President, kapalit ni Sen. Loren Legarda.

Kinilala ng Malacañang ang naganap na pagbabago sa liderato ng Senado.

Ayon kay Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang nangyari ay naaayon sa batas at Rule of Law, at nirerespeto ng Palasyo ang desisyon ng bagong mayorya.

Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng malaking pagbabago sa dinamika ng Senado, na matagal nang apektado ng hidwaan sa pagitan ng majority at minority blocs.

Sa kabila ng tensyon, nagpatuloy ang proseso ng lehislatura at inaasahang magbubukas ng panibagong yugto sa pamumuno ng Senado sa ilalim ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Ang paglutang ni Sen. Chiz Escudero ay itinuturing na game-changer sa kasalukuyang gusot sa liderato ng Senado, na nagbigay ng malinaw na direksyon sa gitna ng matinding banggaan ng mga grupo.

Gayunman, nilinaw ni Escudero na hindi siya pumanig sa isa at iniwan ang kabilang grupo.

Sa halip ay nais lamang umano niyang bumalik na sa trabaho.

“Hindi ito usaping pampulitika. Wala akong sinasamahan o iniiwanang grupo, pangkat o paksyon. Hindi ko sinasabi na may mali o tama o may nagkulang o nagmalabis kaninuman. Ngunit hindi pwedeng manatili tayo sa ganitong sitwasyon. Ang naaapektuhan na ay ang mismong kakayahan ng Senado na gampanan ang kaniyang tungkulin sa bayan. Ito ang rason at dahilan ng aking pasya ngayong araw na ito. Hinihiling ko ang inyong pag-unawa sa amin, kasabay ng inyong panalangin para sa inyong Senado na malampasan ang hamon na ito at patuloy na magampanan namin ang aming tungkulin sa inyo at sa sambayanan,” wika ni Escudero.