Isang malaking breakthrough kung maituturing ng Philippine National Police (PNP) ang naging pagkakaaresto sa isa sa mga itinuturing na mastermind sa kidnapping-slay case ni Anson Que na si Kelly Tan Lim para mabilis na lamang na maresolba ang kaso.
Sa isang pulong balitaan sa kampo, inihayag ni Police Regional Office III Dir. at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na naging malaki ang naging papel ni Kelly Tan Lim sa naging pagpaslang at pagdukot sa isang filipino-chinese businessman na si Anson Que at sa driver nito na si Armanie Pabillo.
Naniniwala kasi ang PNP at ang mga imbestigador sa kaso na maraming alam ang suspek sa mga naging detalye ng pagpatay at maging sa kung saan nga ba dinala ang ransom money na inilagay sa isang digital currency.
Ani Fajardo, kasalukuyang nananahimik si Kelly Tan Lim kung saan patuloy din ang pakikipagugnayan ng PNP sa mga foreign counterparts gaya ng Chinese Embassy para sa pagsisiwalat ng katotohanan.
Tinitignan naman ngayon ng PNP na nakuha na nila ang lahat ng maaaring key players sa kaso kung saan itinuturing na mastermind si David Tan Liao at si Kelly Tan Lim naman ang co-mastermind sa krimen.
Si Kelly Tan Lim rin kasi ang inaasahang makakapagturo kung saan napunta ang ransom money dahil siya mismo ang may alam kung ano-anong accounts at sino-sino ang nakatanggap nito sa pamamagitan ng paggamit ng mga digital wallets para matanggap ang pera.
Aniya, maliban sa mga forensic evidences gaya ng mga DNA tests na nakuha ng mga imbestigador sa bahay na pinaglagian ng mga biktima, ginagamit din bilang basehan ang extrajudicial confessions ng dalawang pilipinong suspek sa pagpatay.
Samantala, ay nahaharap naman sa mga paglabag sa immigration law ang suspek kasama ang isa pa nitong kasabwat na si Wu Ja Bing na isa namang hairdresser.
Sa ngayon naman ay nananatili pa ring at large ang isa pang chinese national na si Jonin Lim na siyang sangkot din sa naturang insidente.