Binigyang diin ng Kataastaasang Hukuman sa inilabas nitong desisyon na hindi hadlang ang pagkabawi sa na-carnap na sasakyan para matanggap ng may-ari ang ‘insurance claim’.
Sa isinulat na desisyon ni Associate Justice Henri Jean Inting, inatasan ng Supreme Court Third Division ang UPCB General Insurnace Co. Inc. na bayaran si Wilfrido Wijangco kahit pa kanyang Nabawi na ang na-carnap na sasakyan.
Ayon sa impormasyon ng Korte Suprema, tinutukan raw ng patalim ang anak ni Wilfrido sa isang paradahan ng mga armadong lalaki na tumangay sa kanyang sasakyan.
Matapos nito’y iniulat niya ang pangyayari sa pulisya at nagsampa ng ‘insurance claim’ kalakip ang lahat ng kinakailangan dokumento.
Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na followup ni Wilfrido, hindi raw inaaprubahan ito ng insurance company.
Dito na iprinotesta ni Wilfrido ang pagkaantala at gumawa ng pormal na kahilingan upang mapagbigyan ang kanyang ‘insurance claim’.
Sa kasong isinampa niya laban sa naturang insurance company, pinagtibay ng Kataastaasang Hukuman ang naunang desisyon ng Manila Regional Trial Court para mapanagot ang insurer.
Habang inatasan naman ng Korte Suprema na pagbayarin ang kumpanya ng nagkakahalagang 1.8-milyon Piso bilang insurance proceeds kasama ang dobleng interes, P100,000 sa attorney’s fees at P200,000 bayad bilang danyos.















